TagTag pledge: Help us build secure and private social network

tagtag.com/filip2

Kahulugan ng Pagsasaling-Wika  

Ayon kay Newmark (1988), "ang pagsasaling-wika ay pagbibigay kahulugan ng isang text sa ibang wika sa paraang ninanais ng may-akda."  

Madalas na inaakala natin na ang pagsasaling-wika ay isang payak na pagsasabi ng isang bagay sa ibang wika; ang tutuo ang pagsasaling-wika ay isang masalimuot at mahirap na gawain. Masalimuot ang gawaing ito sapagkat napakaraming bagay o factors ang mga hadlang sa pagsasalin; tulad ng kultura, kaugalian, kaayusang panlipunan at marami pang iba. Mahirap ang pagsasalin sapagkat nakatali ito sa orihinal; dito ang nagsasalin ay hindi malayang magpasok ng kanyang sariling kaisipan. Ang salin ay kinakailangang nagtataglay ng diwa at kahulugan ng isinalin. Hanggat maaari ito ay dapat magmukhang natural.  

Ang mga dayuhan ay may sariling istrukturang pangwika, sariling kalinangan, may ibang paraan ng pag- iisip at paraan ng pagpapahayag, ang lahat ng ito ay dapat kilalanin ng nagsasalin na mga balakid o hadlang na dapat niyang bakahin. Ayon kay Newmark (1988) walang bansa, walang kultura ang lubhang nakababata upang hindi tumanggap sa makabagong kaisipan. Samakatwid, ang pagsasalin ay laging posible. Gayunpaman, dahil sa iba't ibang katwiran, ang isinasalin ay maaring magkaroon ng ibang dating kaysa orihinal. Halimbawa maaring ang pakay ng isang lathalain ay ipakilala ang isang produkto subalit ang pakay ng nagsasalin makahikayat ng mamimili ng nasabing produkto.  

Teorya ng Pagsasalin  

Ang teorya ng pagsasalin ay nauukol sa mga paraan ng pagsasalin na nararapat sa isang text, at nakasalalay sa mga teoryang pangwika. Ang teorya ng pagsasalin ay may kinalaman sa pinakamaliit na bantas o tanda (tuldok, kwit, aytaliks atbp.), gayundin sa panlahat na kahulugan na parehong mahalaga sa isang text. Tunghayan ang halimbawa na magpapakita ng kahalagah ng bantas.  

Hindi, puti. (No, it's white.)
Hindi puti. (It's not white.)  
 

Bagaman magkatumbas o pareho ang dalawang leksikal na salita (hindi at puti) na nakapaloob sa dalawang pangungusap, ay nagkaiba naman ng kahulugan ang dalawang pangungusap dahil sa kwit na nakalagay pagkatapos ng hindi. Ang pagwawalang bahala sa isang bantas, intensyonal o di intensyonal ay maaring magdulot ng malaking pagkakamali sa pagsasalin.  

Ang layon ng pagsasalin ay suriin ang lahat ng paraang posibleng pagpilian at pagkatapos ay gumawa ng pagpapasya. Ang unang tungkulin ng nagsasalin ay alamin at tukuyin ang kahulugan ng isang suliranin sa pagsasalin; pangalawa ay ilahad ang lahat ng mga factors na dapat isaalang-alang sa paglutas sa suliranin; pangatlo ay itala ang lahat ng posibleng pamamaraan; at huli ay pagpasyahan ang pinakanararapat na paraan. Kaugnay nito, si Newmark (1988) ay naglahad ng mga elemento ng pagsasalin:  

1. Ang pagbibigay- diin sa mga mambabasa at kaayusan (setting). Dapat maging natural ang dating ng salin upang madaling maunawaan at makapag- iwan ng kakintalan sa mambabasa. Halimbawa dito ang pagsaalin ng Noli. Kapansin-pansin na ang mga salitang ginamit ni Poblete na nalathala noong 1907 ay malayo na o malaki ang pagkakaiba sa salin nina Sayo at Marquez sapagkat malaki ang pagkakaiba ng mambabasa ni Poblete at mambabasa nina Sayo at Marquez. Iba na rin ang kaayusang panlipunan na umiiral noon kaysa sa umiiral ngayon.

2. Pagpapalawak ng paksa nang higit pa sa panrelihyon, panpanitikan, pang- agham at teknikal, kasalukuyang kaganapan, publisidad, propagando o anumang paksa ng panitikan.

3. Pagdaragdag sa mga text na sinasalin mula sa mga libro (kasama ang mga dula at tula) hanggang sa mga artikulo, kasulatan, kontrata, tratado, batas, panuto, patalastas, liham, ulat, mga form sa kalakalan, atbp.

4. Istandardisasyon mg mga katawagan.

5. Pagbuo ng mga pangkat ng tagasalin at tagarebisa. Ang pagsasalin ay dapat gawin ng grupo hindi lamng ng isang tao upang makuha ang pananaw ng nakararami at hanggat maari ay magtalaga ng ibang tao na magrerebisa sa mga sinalin.

6. Magiging malinaw lamang ang dating (impact) lingwistika, sosyolingwistika, at teorya ng pagsasalin kung ang mga tagapagsalin ay sasanayin sa mga politeknik at unibersidad.

7. Ang pagsasalin ngayon ay ginagamit upang makapagpalaganap ng kaalaman para lumikha ng unawaan sa pagitan grupo at mga bansa, gayundin ang paglaganap ng kultura.  

Sa kabuuan, sinasabi ni Newmark na ang pagsasalin ay isang bagong disiplina, isang bagong profesyon, isang lumang pakikihamok na nakatalaga sa iba't ibang layunin.  


Ang Pagsusuri ng Text  

Pagbasa ng Text  

Sinisimulang ang pagsasalin sa pagbasa sa text sa dalawang kadahilanan: una, upang maunawaan kung saan ito nauukol; pangalawa, upang suriin ito ayon sa pananaw ng tagasalin na iba kaysa pananaw- dalubwika o kritikong- pampanitikan.  

Ang pag- unawa sa text ay nangangailangan ng lahatan at malalimang pagbasa. Lahatan upang makuha ang buod para matukoy kung ano ang mga bagay na kailangan sa pagsasalin na maaring gamiting sangunian tulad ng ensayklopidya, texbuk, thesis, atbp.  

Ang malalimang pagbasa ay nangangailangan ng masusing pagsusuri sa mga salita na nakapaloob sa text para matukoy ang tiyak na kahulugan nito, matukoy ang mga talinhaga, kolokyalismo, at neologism. Dapat malaman ang layunin at paraan kung paano ito nasulat para matukoy ang karapat-dapat na paraan ng pagsasalin at para matukoy ang tiyak at paulit-ulit na mga suliranin na kakaharapin sa pagsasalin.  
 
 
 
 

Ang Layunin ng Text  

Sa pagbasa, hindi natin maihihiwalay ang pag- unawa sa paghahanap ng layunin ng nilalaman. Ang pamagat ay maaring malayo kaysa nilalaman o layunin nito. Maaring ang layunin ng nagsulat ay ipaliwanag kung paano ginagamit ang isang makina ay maisalin sa paraang nagpapaliwanag sa kagandahan ng makina. Dapat matukoy ng nagsasalin kung ano ang layunin ng text.  

Ang Layunin ng Tagasalin  

Kadalasan, ang layunin ng tagasalin ay katulad nang may- akda ng isinasalin. Maaring ang layunin ng may-akda ng orihinal ay magbigay ng isang patalastas o instruksyon upang ipakita sa kliyente kung paanong ang isang bagay ay ginagawa. Sa pagsasalin, maaring lumabas ang saling text na nagtuturo sa kliyente kung paano ang aplikasyon nito.  

May mga pagkakataon din na isang manwal halimbawa ang sinasalin at ang layunin ng nagsasalin makapagturo sa mga taong hindi gaanong nakapag-aral, samaktwid sa ganitong pagkakataon kinakailangang ang salin ay mas malawak ngunit payak kaysa sa orihinal.  

Mga Istilo ng Text  

Ayon kay Newmark (1988) may apat na istilo ng text. Ito ay ang mga sumusunod:  

1. Pasalaysay - paglalahad ng mga kawing (series) ng pangyayari kung saan ang
binibigyan diin ay ang mga pandiwa.  

2. Palarawan - hindi naglalahad ng mga kilos at nagbibigay diin sa mga pang-uri at
panuring.  

3. Patalakay - isang pangangatwiran o pag- uugnay, nagbibigay diin sa mga abstrak
na pangngalan. Ito ay tinawag din ni Newmark na pakikitungo sa kaisipan.  

4. Padayalogo - nagbibigay diin sa kolokyalismo at pakikipag-ugnayan.  

Ang Mambabasa  

Dapat sikapin ng nagsasalin na alamin ang katangian ng mambabasa ng orihinal na text at katangian ng mambabasa ng salin at saka pagpasyahan kung gaanong pansin ang dapat iukol sa pakay na mambabasa. Dapat alamin ang antas ng edukasyon, katayuang panlipunan, sex, edad ng pakay na mambabasa. Ang palasak o pinakakaraniwang nilalaman ng salin ay para sa nakapag- aral o gitnang uring mambabasa kung saan ang text ay nasa impormal ngunit di kolokyal na anyo. Madalas na pagkakamali ng mga mag-aaral na nagsasalin ay ang kanilang tendensi na paggamit ng mga kolokyal na salita. Sa halip na magsalin sila para sa pakay na mambabasa ay nagsasalin sila para a kanilang sarili.
 

Setting  

Ang setting ay isa pang bagay na dapat pag- ukulan ng pansin. Kaylan ba nalimbag ang orihinal? Sino ang humihingi ng pagasalin at ano ang kanilang kahingian o rekwayrments?  

Ang orihinal ay maaring nasulat maraming taon na ang nakalilipas na iba ang mga pagpapahalagang sosyal at moral. Ang pakay ng pagsasalin ay makabagong panahon na may ibang pagpapahalagang sosyal at moral, sa ganitong pagkakataon dapat tingnan ang mga kaibhan ng mga pagpapahalagang ito. Samakatwid ang setting o kaayusang panlipunan ay hindi dapat ipagwalang bahala. Isang mainam na halimbawa ay ang mga salin ng walang kamatang akda ni Rizal. Kung titingnan natin ang unang salin sa Tagalog ng Noli ni Pascual Poblete at ihahambing natin sa salin nina Teresita Sayo at Cresenciano Marquez Jr., mapapansin nating ang malaking pagkakaiba lalung- lalo na sa wika. May mga pagkakaiba rin sa ispeling ng mga salita. Malalim ang mga salitang ginamit ni Poblete at kahit ako ay nahihirapang unawain ang mga ito. Samantala ang salin nina Sayo ay may mga Taglis na salita na kaya mas nauunawan ng kabataan ng kasalukuyang henerasyon.


Home Site Map my.TagTag

Terms of Use
TagTag.com